Sunday, May 1, 2016

Sorry Kuya


By: Mr. Falfaza 

Nakatambay lang ako lagi noon sa isang kanto kaharap ng Ateneo
‘Di naman umiinom ng alak, ‘di rin naninigarilyo
Hilig ko lamang magpalipas ng oras dati
Hanggang isang araw sa klase ay may kakaibang nangyari

Huli na naman ako dumating sa asignaturang Filipino
Sa bandang likod na tuloy ako pinaupo ng aming guro
Buti na lang at ‘di na ako nagreklamo
Sapagkat, katabi ko na pala ang diwatang inaasam ng aking puso

Unti-unti ako nagsimulang magbago
Kahit sa mala palengkeng klase nami’y nakikinig na rin ako
At sa malignong guro’y malinis na rin ang tainga palagi
Habang patagong nagmamasid sa mala diyosang bini-bini

Wala man sa aking bukabularyo’y pinag-aralan ko ang asignatura
Todo-todong pawis sa gabi mula ulo hanggang paa
Sinikap kong umasta bilang isang matalinong estudyante
Kahit may topak sa kokote ay naging aktibo sa oral recitation ng klase

Bagamat desperado akong maagaw ang atensyon niya
Halos walang suliraning hindi ko kinaya para sa kanya
Sumpain ma’y nilamon ko na yata lahat ng aking hiya
Mapatawa ko lamang ang puso ng aking sinisinta

Isang araw ay sinubukan kong pormahan ang iskolar na dalagita
Sa mga ngiti pa lang niya’y inakala kong si Kristine Hermosa
Nabighani rin ako sa kanyang mahiwagang boses
Kapag kausap siya’y para bang ka duet ko si Regine Velasquez

Tila pinana ni Kupido ang aking puso
Wala pang Valentine’s Day eh na heart-attack na ako
Parang lahat na lang sa paligid ay nagiging perpekto
Kapag nasa tabi siya’y bigla-bigla ko na lang nasisilayan ang paraiso

At makalipas ang ilang maliliwanag na linggo
Na full-charge na rin ang loob ng matiyagang binatilyo
Inilahad na rin sa wakas ang lihim na nadarama
Subalit, nang makausap si dalaga’y biglang na low-bat ang makina

Edad nami’y isang taon lang naman ang agwat
Diyos ko naman at bakit ba sa katotohan, isip niya’y ‘di roon namulat?
Dumilim tuloy ang dating mga mapuputing ulap sa itaas
At pinaulanan ako ng isang katutak na malas

Hindi ko natiis mabaliw ang aking loob
Sa isang pambihirang rason na mapangutya ang buod
Muntik na akong matunaw sa aking narinig
Dahil sa mga nagbabagang salitang ibinuga ng kaniyang bibig

Animo’y sampung taon ang aking itinanda
Nang sabihin ba naman ng loka-loka sa akin habang nakapikit-mata
“Bata pa po kasi ako Kuya, sana maintindihan mo.”
Nag-apoy na rin tuloy ako at nagliyab ng “Pagsure day uy! Over kaayu!”

No comments:

Post a Comment